Sa okasyon ng iyong kaarawan

N.B. – Update (Nov. 10, 2:50 p.m.): This was published in Vol. 6, No. 41 (November 7-13, 2007) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/pw6-42/op_ed/ed-6_42_3.htm. I’ve posted this article in advance for very obvious reasons. EnJOY!

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineMarami mang pulitikal na isyung dapat talakayin, mayroon pa ring personal na damdaming hindi dapat kitlin!

Alam kong napakabigat ng sakripisyong ginawa mo para lang magkasama tayo. Sa halip na ako ang pumunta sa Bicol na kung saan ka lumaki’t komportableng nagtatrabaho, nagdesisyon tayong sa Maynila na lang natin buuin ang ating pamilya.

Kahit na hindi mo aminin, halata namang napilitan ka lang sa mabigat na desisyong ito. Hindi ba’t ilang beses mong sinabing kumpara sa Maynila, hindi hamak na mas maganda ang buhay sa Bicol, lalo na sa Lungsod Tabaco? Mistulang “paraiso” sa isang naghihirap na bansa ang Tabaco – sariwa ang hangin, mura ang bilihin, walang trapiko’t polusyon. Higit sa lahat, marami kang kamag-anak at kaibigang iniwan sa iyong pagsama sa akin sa Maynila.

Kaya nga noong nakaraang linggo, nakita ko ang ligaya sa iyong mga mata nang makarating tayo sa Tabaco. Parang biglang nawala ang pagod mo mula sa napakatagal na biyahe. Muli nating nakapiling ang iyong nanay at mga kapatid, pati na rin ang mga kaibigang matagal mong hindi nakita. At hindi ka nila nakakalimutan: Sa pagpunta natin sa sementeryo, palengke at iba pang lugar, halos bawat paghakbang mo ay may bumati sa iyo’t nangumusta. Ang ilang minutong pamamalengke, halimbawa, ay inabot nang pagkatagal-tagal dahil sa pakikipagkuwentuhan (o pakikipagtsismisan) sa mga kakilala.

Ang iyong hindi masukat na kaligayahan ang dahilan kung bakit wala akong reklamo pagkatapos ng napakahabang biyahe natin. Dahil may sasakyan na tayo ngayon, pinili nating gamitin ito kahit na hindi pa ako masyadong sanay sa pagmamaneho. Ilang beses akong nalubak na siyang kinainis mo. Hindi mo rin nagustuhan ang minsa’y mabilis kong pagpapatakbo sa kurbadang daan at ang mabagal kong pagpapatakbo kung kailan deretso na ang kalye.

Ipagpaumanhin mo ang iritasyon ko sa mga pagkakataong bumibiyahe tayo’t pinupuna mo ang aking pagmamaneho. Unang pagkakataon kong bumiyahe nang napakalayo at magmaneho nang halos pitong oras. Kahit na sabihing tumulong ang pinsan mong magmaneho ng ating sasakyan, nahirapan pa rin akong bumiyahe. At siyempre pa, hindi rin maaalis ang kaba ko dahil baka may kung anong mangyari sa atin at hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung may mangyari sa iyo. Hindi ba’t kilala ang ilang kalye papuntang Bicol na napakadelikado ng kurbada, bukod sa napakaraming lubak at sirang tulay?

Kahit hindi maganda ang kondisyon ng mga kalyeng ito, masuwerte pa rin tayong hindi nasiraan sa daan, bagama’t kailangan na nating ipatingin ang ating sasakyan dahil nagkaroon ito ng ilang depekto dahil sa paulit-ulit na pagdaan sa lubak. Siguradong magiging masakit ito sa ating bulsa.

Pero kontento na rin ako hindi dahil sa matagumpay akong nakapagmaneho mula Maynila hanggang Bicol at pabalik, kundi dahil nakita kitang napakasaya. Kahit na sabihin mong masaya ka namang magkasama tayo sa Maynila, alam kong malaking pahirap sa iyo ang buhay dito: Kahit ang simpleng pagbiyahe mula sa bahay natin sa Marikina papunta sa opisina mo sa Ermita ay alam kong araw-araw na kalbaryo sa iyo. Hindi hamak na malaking sakit ng ulo rin ang pagkakasya sa ating pera sa gitna ng mataas na presyo ng bilihin at serbisyo.

Sa okasyon ng iyong kaarawan ngayong Nobyembre 7, asahan mong ang regalo ko sa iyo’y ang pagiging mas mabuting asawa. Sabihin man ng ilang mambabasa na nanunumbalik na naman ang “korni” kong diskurso at may mga paksang mas nararapat talakayin sa pagkakataong ito, mahalaga para sa aking malaman mong gagawin ko ang lahat para maging maligaya ka.

Nararapat lang na ang pangalan mong Joy ay siya ring damdamin mo tuwing magkasama tayo, kahit na paminsan-minsa’y nakakairita talaga ang ilan kong pagkukulang.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.